lihim ng mundo
lingid sa kaalaman
ng mas nakararami-
mundong ito'y binubuklod
ng iisang kiliti.
panlasa mo ma'y
kakaiba sa akin at kanya
batid kong may isang bagay
na sa atin ay iisa.
datapwa't sa ngayon
ito ay lihim na nakabaon
darating ang panahon
tanong ko'y mabibigyang tugon.
at sa pagsapit ng araw
na yao'y matuklasan
hatid nito'y kaligayahan
sa buong sangkatauhan.
ah, ang lihim ng mundo-
Kanyang handog sa Tao
at ito'y nakatago
sa ating mga puso.
Katanungan Sa Bawat Panahon
Bakit makasarili ang nakaraan?
Nabigyan mo na nga siya ng panahon,
aasahan pa niyang sa kanya ka lang nakatuon.
Bakit mapangmata ang kasalukuyan?
Ginagawa mo na ang lahat,
ngunit para sa kanya'y ito pa ri'y kulang.
Bakit kay bagal ng kinabukasan?
Ilang taon mo nang pinagtiyagaan,
paghihintayin ka pa.
Bakit hindi maatim ang magpakailanman?
Ilang beses ka nang lumuha,
hindi pa rin ito nagpaparamdam.
Sa Piling ng Buwan
Nasa langit man ang buwan
puso niya'y matimtiman-
mapagkumbabang nagbabantay
sa pusod ng kadiliman.
Sa gitna ng lamig
kanya tayong kinumutan.
Tayo'y kanyang inuyayi
sa lawiswis ng kawayan.
Sampu ng hangin
at mga talang maningning
umawit siya ng himig
hanggang sa ating paghimbing.
At sa kabila ng gimbala
ng sigalot ng kidlat
yapos niya ang bumalot
at pumawi sa takot.
Luhang Nakatikom
Hindi mo batid tunay kong saloobin,
sapagka't aking pinili ang manatiling tahimik.
Subali't nananalantana sa aking dibdib
ang ‘di mapaliwanag na poot at galit.
Bakit mo ako iniwan sa gitna ng hikahos?
Hanggang sa ngayo'y di matanggap nang lubos.
Higit pa sa mga mainit na halik at yapos,
ako'y nangungulila sa pangangalaga mong lubos.
Hindi ako mabibili ng iyong salapi
isubo mo man ito sa aking mga labi.
Hindi ako tulad ng mga babae sa gabi
na maaari mo lang iwan at isantabi.
Sa tuwing tayo'y magkasama, ako'y nakangiti
kapag ika'y wala na, lihim akong humihikbi.
Puso ko'y tumataghoy at namimighati
taimtim akong nananalangin, na ikaw sana'y katabi.
Datapwa't aking pinili ang manahimik na lamang,
'Pagkat di ko nais na ika'y mahirapan.
Batid kong panahon ay iyong kailangan,
kung kaya’t ako’y luluha na lamang.
Hinagpis ni Magdalena
Sa lipunang mapanglait itinuring kang sampid.
Kinutya kang parang putik maging ng mga sagigilid.
Dignidad mo'y nilamatan ng mga dunong na mangmang.
Pangalan mo'y niyurakan ng mga kagalang galang.
Sa sambit ng yong ngalan sila'y dumudura.
Maging pamilya mo’t mga kaibigan pilit kang itinatwa.
Kritisismo't pangungutya isinampal sa’yong mukha.
O abang Magdalena, ikaw nga ba'y isinumpa?
Ano nga bang kasalanan mo sa lipunang ito;
pawang di nila matanto ikaw rin ay may puso?
Tuluyan na nga bang nagbago ang mundo
at di nila marinig ang ‘yong pagsaklolo.
O abang Magdalena, pilitin mong bumangon.
Di ka pababayaan ng mahabaging Poon.
Di magtatagal, darating din ang panahon…
lahat ng ‘yong dalangin ay mabibigyang tugon.
Pusong Humimlay
Di matinag ang 'yong titig
sa marmol kong lapida.
Sa bawat titik ng aking ngala'y
pumatak ang 'yong luha.
Ramdam ko ang 'yong taghoy
sa bawat luha mong dumaloy.
Ang walang pawi mong hikbi
wari ko'y di mo matimpi.
Bulong mo sa sarili'y,
"Huli na ang lahat;
sayang at 'di ko nasabi
ang mga nararapat."
Ako ma'y isang kaluluwa,
sa sinambit mo'y ako'y naluha.
Binaon ko'y panghihinayang
sa aking pamamaalam.
Ilang buwan akong naghintay...
ilang buwan akong nanabik
sa iyong pag-amin
at sa matamis mong halik.
Subalit ika'y napangungahan
ng takot at kaba
mas pinili mong kimkimin
ang tunay na nadarama.
Sayang! Sinayang mo ang panahon.
Sana'y naglakas loob kang
sambitin ang tanong,
upang matanggap inaasam na tugon.
INAnabik
Sa aking sinapupunan
nakahimlay ang kinabukasan,
baon ang pag-asang
ligayang di mapapantayan.
Ako man ngayo'y tumataghoy,
luha ko ma'y dumadaloy,
batid kong bukas makalawa'y
kasiyaha'y aking matatamasa.
Sa kabila nitong lahat,
ano man ang naging paghihirap,
paglabas mo aking anak,
ako ang unang magagalak.
|